Tataas ang presyo ng ilang brand ng sardinas, instant noodles, bottled water at condiments simula bukas, Mayo 4.
Ayon kay Department of Trade and Industry Undersecretary Ruth Castelo, nasa P0.50 hanggang P1 ang dagdag-presyo sa kada lata ng mga sumusunod na brand: atami, family, master, mega at mikado.
Habang nasa P1.35 hanggang P1.70 naman ang itataas sa kada lata ng mga imported na brand na rosebowl at saba.
Sa instant noodles, P0.20 hanggang P0.45 ang dagdag sa kada pakete ng lucky me at payless.
Magtataas naman ng P0.20 hanggang P0.45 ang kada container ng toyo at patis.
Nasa P0.55 hanggang P2 ang dagdag-presyo sa kada pakete ng asin at P0.30 naman sa kada pakete ng sabong panligo.
Paliwanag ni Castelo, hindi man mapigilan ang taas-presyo, may choice o pagpipilian naman ang mga konsumer.
Bukod sa mga nagtaas, may ilang brand pa rin naman daw na napako ang presyo at puwedeng bilhin.
Tiniyak naman ni Steven Cua, Pangulo ng Philippine Supermarket Amalgamated Supermarket Association (PAGASA), na sumusunod sila sa Suggested Retail Price (SRP).