
Tumaas ang presyo ng gulay sa ilang palengke sa Nueva Ecija dahil sa epekto ng halos dalawang araw na pag-uulan dulot ng habagat at pagdaan ng Bagyong Isang noong isang linggo.
Ayon sa mga tindera sa Rizal Public Market, pumalo sa 20% hanggang 30% ang itinaas ng presyo ng ilang gulay tulad ng siling Taiwan, bell pepper, kalabasa, at carrot.
Ang dating P100 kada kilo ng siling Taiwan, ngayon ay nasa P500 hanggang P550 na.
Maging ang bell pepper na dating P140 lamang kada kilo ay umaabot na ngayon sa P350.
Ayon sa Department of Agriculture, ang pangunanhing dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga gulay ay ang pagkaantala ng mga ani at ang paghina ng suplay bunsod ng pag-ulan.
Nababahala naman ang mga mamimili sa patuloy na pagtaas ng presyo lalo na’t papalapit na ang ‘ber’ months kung saan inaasahang mas lalo pang tataas ang demand sa mga bilihin.
Nangako naman ang kagawaran na patuloy silang magbabantay sa presyo ng mga bilihin at maglalabas ng mga hakbang upang masiguro na sapat ang suplay at hindi aabusuhin ng mga negosyante ang presyo.








