Tumaas na rin ang presyo ng ilang agricultural commodities sa bansa.
Batay sa price situational report ng Philippine Statistics Authority (PSA), kabilang sa mga produkto na natukoy nilang tumaas ang presyo ay ang manok, isdang galunggong, pulang sibuyas, kalamansi at brown sugar.
Ayon kay PSA National Statistician at Civil Registrar General Undersecretary Dennis Mapa, tumaas ng ₱20 ang presyo ng kada kilo ng manok sa sampung trading centers.
Ang retail price naman ng galunggong ay tumaas ng ₱8 hanggang ₱20.
Nasa ₱4 hanggang ₱25 naman ang itinaas ng pulang sibuyas, dalawang piso naman sa kalamansi habang limang piso ang itinaas ng brown sugar.
Bukod dito, napansin din ng PSA ang bahagyang paggalaw sa presyo ng bigas sa ilang pamilihan sa bansa.
Kabilang sa mga lugar na minonitor ng PSA ang presyo ay sa Metro Manila, Baguio City, San Fernando City sa La Union, Tuguegarao City, Cabanatuan City, Batangas City, Calapan City, Legaspiz City, Iloilo, Cebu, Tacloban, Pagadian, Cagayan de Oro City, Digos City, Kidapawan, Butuan at Cotabato City.