Presyo ng imported na karneng baboy, pinabubusisi

Dapat busisiin ng Department of Agriculture ang presyo ng mga imported na karneng baboy.

Nananatili kasing mataas ang presyo ng karneng baboy sa kabila ng pagbaha ng imported meat sa bansa at pagbabawas ng taripa.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Laban Konsyumer President Atty. Vic Dimagiba na bukod sa malaki ang ibinaba sa kita ng gobyerno dahil sa mababang taripa sa pork imports, hindi pa ito napakinabangan ng mga konsyumer.


“Di ba, binaba yung taripa? 5% o 15% depende kung inside quota ka o outside quota. Ang prevailing price ng liempo, P300, kako mataas pa yan sa itinakdang SRP na P240 o P250 per kilo.”

Kaya naman, kasabay ng pag-aalis ng price freeze, iminungkahi ni Dimagiba ang pagtatakda ng resonableng SRP sa karneng baboy kung saan makikinabang ang lahat mula sa farm grower hanggang sa mga retailer sa palengke.

Bukod sa presyo ng baboy, dapat din aniyang silipin ng pamahalaan ang tumataas na presyo ng langis at bumababang halaga ng piso.

Facebook Comments