Pinababantayan ni Ways and Means Chairman Joey Salceda sa Department of Agriculture (DA) ang presyo ng isda.
Kasunod na rin ito ng posibleng pagtaas ng presyo ng isda bilang alternatibo sa mataas na presyo ng karne.
Ayon kay Salceda, inaasahan niya ang pagtaas na rin ng presyo ng isda partikular na sa mga de lata kaya mainam na bantayan ng DA ang price shocks sa nasabing produkto.
Hinikayat din ni Salceda ang ahensya na palakasin ang implementasyon ng ‘Plant, Plant, Plant’ program at pinatitiyak din ang tuloy-tuloy na produksyon at pagbyahe ng mga pagkain.
Mahalaga aniyang ma-i-calibrate ang Plant, Plant, Plant program ng DA para mapunan ang mataas na demand sa pagkain at mahikayat na rin ang backyard at household food sufficiency.
Ibinabala pa ng mambabatas na ang sapat at abot-kayang suplay ng pagkain ay makapagpa-paangat sa pagbangon ng ekonomiya habang ang patuloy na pagtaas sa presyo ay makapagpapabagal ng economic performance ng bansa.