PRESYO NG ISDA SA LUNGSOD NG CAUAYAN, TUMAAS

Naging matumal ang bentahan ng isda sa pribadong pamilihan ng lungsod ng Cauayan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo nito mula sa kanilang mga supplier.

Sa naging panayam ng 98.5 IFM Cauayan kay Ginang Lyn, isa sa mga vendor ng isda, nagsimulang tumumal ang kanilang bentahan mula ng magtaas ang presyo ng mga ito.

Sa kasalukuyan, pumapatak na sa P200 per kilo ang presyo ng bangus mula sa dating P175; habang nasa P140 naman ang presyo ng galunggong mula sa dating P120; P240 na rin ang presyo ng fresh at bilog na galunggong at P200 naman kung frozen.

Ang Salmon Head ay nagkakahalaga naman ng P150 per kilo.

Pinakamabenta naman ang tilapia na nagkakahalaga pa rin ng P130 kada kilo.

Kaugnay nito, bahagyang tumaas din ang presyo ng isdang dagat katulad ng lapu-lapu na higit P400 kada kilo samantalang ang pusit naman ay nagkakahalaga ng P380; at ang dalagang bukid naman ay nasa P280 na kada kilo.

Nanatili naman sa presyong P120 ang per kilo ng tahong habang P400 naman ang presyo ng alimasag.

Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga isda ay dahil sa kakulangan ng suplay ng mga ito dahil umano sa kakaunti na ang mga nahuhuling isda mula sa Dagupan.

Samantala, ayon pa kay Lyn, posible pang tumaas ang presyo ng mga isda habang papalapit ang Christmas season.

Facebook Comments