Presyo ng karne, dapat bantayan pa rin habang bumababa ang inflation rate

Inaasahan na ni House Murang Pagkain Supercommittee Overall Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Salceda ang pagbaba sa 1.8 percent ng inflation rate nitong Marso dahil hindi na ramdam ang price pressures sa bigas at iba pang pangunahing bilihin.

Gayunpaman, iginiit ni Salceda na kailangang patuloy na bantayan ang presyo ng karne na tumaas sa 8.2 percent habang nagmahal din ang presyo ng isda.

Dagdag pa ni Salceda, ang tumataas na presyo ng karne ay makaka-apekto sa nutrisyon ng pagkain ng bawat pamilya.


Nananawagan din si Salceda na ipagpatuloy ang paghahanap ng solusyon sa presyo ng gulay, karne at isda na kailangan para mapanatiling malusog at may kakayahan ang ating mga manggagawa.

Sabi ni Salceda, ito ay para malampasan nila ang mga hamong hatid ng pabago bagong lagay ng pandaigdigang ekonomiya tulad ng pagpapataw ni US President Donald Trump ng taripa sa mga produktong iniluluwas ng Pilipinas.

Facebook Comments