PRESYO NG KARNE SA STA. BARBARA, NAGMAHAL

Nadagdagan pa ng hanggang P30 ang kada kilo ng karne sa bayan ng Sta. Barbara. Naglalaro na sa P380 ang kada kilo ng karneng baboy mula sa P360 na dati nitong presyuhan.

Tumaas din ng P20 ang manok na kung dati ay nasa P200, ngayon nasa P220 na ang kada kilo. Ang baka naman, nasa P400 ang laman habang P370 ang ribs. Pinaniniwalaan ng ilang meat vendors na kaya umano tumaas ang presyo ng baboy ay dahil kumaunti ang suplay.

Dagdag nila, sila lamang ay sumusunod sa kung ano ang itinakdang presyo, maging ang pagsasaalang-alang din ng ilan pang mga gastusin dito.

Kaugnay nito, nauna nang nilinaw ng Department of Agriculture (DA) na nananatili naman umanong matatag, at walang nakikitang kakulangan sa suplay ng baboy sa kabila ng umiiral na banta ng African Swine Fever o ASF.

Pinag-aaralan na rin ng ahensya ang pagpapataw ng maximum suggested retail price o SRP sa produkto dahilan na baka raw umano ay may nangyayaring pananamantala sa merkado.

Samantala, maging iba pang bayan at lungsod sa Pangasinan ay nakararanas na rin ng pagtaas ng mga karne. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments