Panibagong dagok na naman para sa mga mamimili dahil muli na namang nagkaroon ng umento sa kada kilo ng fresh at frozen meat sa pribadong pamilihan sa lungsod ng Cauayan.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan pumapatak na ngayon sa P330 hanggang P350 Ang kada kilo ng karne ng baboy habang nasa P240 hanggang P275 naman ang frozen meat.
Pumalo na rin sa P330 hanggang P340 Ang kada kilo ng liempo at straight cut habang nasa P300 naman hanggang P320 kung frozen.
Ayon kay ginang Judith Dalmacio, tindera sa palengke at treasurer ng meat section, ang nararanasang pagtaas sa presyo ng baboy sa pamilihan ay dahil sa pagbaba umano ng suplay dahil pa rin sa presensya ng African Swine Fever (ASF) sa ilang mga lugar sa bansa.
Nagmahal na rin umano ngayon ang presyo ng live weight.
Bukod dito, tumaas rin ang presyo ng feeds sa ilang pamilihan na siyang pangunahing pakain sa mga baboy.
Kaugnay nito, bukod sa karne ng baboy ay mayroon ring bahagyang paggalaw sa presyo naman ng isda. Ang tilapia na nagkakahalaga noon ng P130, ngayon ay nasa P140 na kada kilo. Ang bangus ay P200 ang galunggong ay P240, Maya maya P150 at ang hito ay nasa P140.
Ayon naman sa mga tindera, posibleng magkaroon pa ng pagbabago sa kasalukuyang presyo ng mga isda sa palengke dahil na rin sa posibleng epekto ng pananalasa ng bagyong Betty sa bansa.
Subalit umaasa naman ang mga ito na hindi masyadong tataas ang dagdag presyo dahil na rin sa matumal na umano ang bentahan.Kung sakaling tataas pa ang mga bilihin ay tiyak na muling tutumal ang kanilang bentahan na maaring mauwi naman sa pagkalugi.
Sa mga panggisa nananatili pa rin sa P200 hanggang P220 ang kada kilo ng pulang sibuyas habang nasa P180 naman ang kada kilo ng bawang.
Wala pa namang nakikitang paggalaw sa presyo ng gulay dahil sapat pa ang suplay. Ang repolyo ay nasa P60, ang Baguio petchay ay nasa P80, ang kamatis ay nasa P15 kada kilo, ang amapalaya ay nasa P80, at ang talong na pang torta ay nasa 90 per kilo.