Patuloy ang pagtaas ng presyo ng karneng baboy sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Sa price monitoring ng Department of Agriculture, naglalaro sa ₱300 hanggang ₱310 ang presyo ng liempo habang nasa ₱270 hanggang ₱280 ang kasim sa QMart Market sa EDSA Quezon City.
Nasa 280 hanggang 290 pesos naman ang kada kilo sa Pasay City Public Market, San Andres Public Market sa Maynila at Commonwealth Public Market sa Quezon City.
Nasa ₱330 naman ang kada kilo ng baboy sa Guadelupe Market sa Makati City.
Ayon sa ilang manininda ng QMart, ang kawalan ng maayos na supply ng karneng baboy ang dahilan ng pagtaas ng presyo nito.
Wala kasing makuhanan ng supply ng baboy matapos ang pananalasa ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.
Sinabi naman ni Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes na kapos sa supply ng baboy ang malaking bahagi ng Luzon kung kaya’t inaayos na ng kanilang regional offices sa Visayas at Mindanao ang pagdadala ng karneng baboy patungong Luzon.
Nakikipag-ugnayan na sila sa mga shipping company para sa mas mabilis na transportasyon nito.
Hinikayat din ni Reyes ang publiko na bumili muna ng karneng manok dahil sobra ang supply nito at mababa ang presyo.
Wala ring plano ang gobyerno na mag-import ng karneng baboy dahil ipinagbabawal ito matapos makapasok ang ASF sa bansa.