Presyo ng krudo, pinangangambahang sumipa hanggang P100 kada litro sa harap ng nakaambang pagbabawas ng produksyon ng OPEC

Tinawag na “tahasang panlilinlang” ng isang transport group ang pagtatakda ng mga oil company sa presyuhan ng mga produktong petrolyo.

Katwiran ni PISTON National President Mody Floranda, linggo-linggo nagbabago ang presyo ng krudo sa bansa gayong hindi naman lingguhan nag-aangkat ang mga kompanya ng langis.

“Alam naman natin na bagama’t ngayon ay nag-rollback sila ng maliit na maliit lamang, ang kasunod niyan, pagtaas naman ang kanilang gagawin. Nakakaapekto ito hindi lamang sa kabuhayan ng mga driver kundi maging sa mismong ating ekonomiya. Kaya ito dapat ay isa sa mga mayor na dapat pinag-aaralan ng gobyerno kung paano ito mapipigil, itong ganitong paglalaro ng mga malalaking kumpanya ng petrolyo sa ating bansa,” ani Floranda.


Kasabay nito, nagbabala si Floranda na posibleng sumipa pa ng presyo ng langis kung matutuloy ang plano ng Organization of the Petroleum Exporting Countries o OPEC na magbawas ng 2 million per barrel na produksyon kada araw.

Dahil dito, hindi aniya malayong umabot muli ng hanggang isandaang piso ang presyo ng kada litro ng krudo sa Pilipinas.

“Yung kanilang ibabawas sa suplay dito sa atin ay di malayong na umabot uli tayo dun sa dating 95 [pesos] per liter dito sa National Capital Region. Sa bahagi nga ng Region 5 niyan dati ay umabot ng 125 [pesos] yung per liter. Hindi malayong bumalik sa ganon sapagkat malaking kabawasan yung 2 million barrel na planong ibawas ng OPEC dito sa atin,” paliwanag niya.

Facebook Comments