Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na magtutuloy-tuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng langis hangga’t hindi nareresolba ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa Talk to the Nation ng pangulo, sinabi nitong maaapektuhan talaga ang presyuhan ng produktong petrolyo sa bansa dahil sa mataas ang demand pero mababa naman ang supply dahil sa nagpapatuloy ng giyera.
Kaya wala aniyang magagawa ang gobyerno kahit magwelga ang mga tsuper at mga motorista dahil tali ang kamay ng pamahalaan sa produksyon at presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado.
Kasunod nito, hinihikayat ng pangulo ang publiko lalo na ang mga may sasakyan na sumakay sa LRT o MRT upang makatipid dahil sa mataas ng presyo ng langis.
Una nang iniutos ng Punong Ehekutibo na itaas sa P500 ang ayudang ipagkakaloob sa mga pinakamahihirap na pamilya at ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga pinakaapektadong sektor.