
Patuloy ang pinaigting na monitoring sa presyo ng mga produktong petrolyo sa mga gasoline station sa San Carlos City, Pangasinan upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa umiiral na presyo at regulasyon ng pamahalaan.
Isinagawa ang inspeksyon sa pangunguna ng lokal na pamahalaan katuwang ang mga kinauukulang ahensya bilang bahagi ng hakbang laban sa posibleng paglabag sa fuel pricing.
Layunin ng aktibidad na maiwasan ang overpricing, hoarding, profiteering, at iba pang iligal na gawain na maaaring makaapekto sa kapakanan ng mga konsyumer. Sa patuloy na pagbabantay, nais tiyakin ng pamahalaang lokal na protektado ang interes ng publiko, lalo na ang mga motorista, mananakay, transport operators, at mga magsasakang umaasa sa fuel para sa kanilang kabuhayan.
Kasabay nito, tiniyak din ng LGU na nananatiling sapat at tuloy-tuloy ang suplay ng petrolyo sa lungsod upang maiwasan ang kakulangan at hindi makatarungang pagtaas ng presyo. Hinihikayat naman ang publiko na maging mapagmatyag at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad o hindi pagsunod sa tamang presyo sa mga gasoline station upang mabigyan ng kaukulang aksyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










