Presyo ng mga bilihin at serbisyo, lalong tataas dahil sa paghina ng piso

Asahan na ang lalo pang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo dahil sa paghina ng piso kontra dolyar.

Ayon sa ekonomistang si Prof. Emmanuel Leyco, pangulo ng Pamantasang Lungsod ng Maynila, nakakaapekto rin ang pagbubukas ng ekonomiya sa paghina ng piso dahil karamihan sa ginagamit nating raw materials ay imported.

Dahil dito, tumataas ang demand sa dolyar na siyang ginagamit ng bansa sa pag-aangkat.


Ayon pa kay Leyco, hindi rin naman sapat ang dolyar na ipinapasok ng mga OFW para tapatan ang pag-iimport ng bansa.

“Mas marami tayong inaangkat kesa doon sa dating ng mga dolyar kaya po doon sa merkado kapag mas marami tayong inaangkat e bababa ang ating piso,” paliwanag ni Leyco sa interview ng RMN Manila.

“At habang nagbubukas ang ekonomiya natin, mas marami tayong piso na gagamitin para makabili ng dolyar para pambili naman doon sa mga pangangailangan natin sa labas ng bansa. Pagdating dito ng mga inangkat nating gulay, bawang, sibuyas, galunggong, mas mataas na rin po ang presyo niya,” dagdag niya.

“Maganda pong magbukas ang ekonomiya kaya lamang po, pag-isipan natin kung ano ang mga pangangailangan natin. Paano natin ima-manage ang ating importation? Paano natin ima-manage yung ating energy requirements, hindi naman po tayo major oil producer, tayo po ay major importer.”

Kaugnay nito, iminungkahi ni Leyco ang pagpapalakas ng lokal na industriya.

“Wag po muna tayong mamili sa labas, palakasin natin an gating mga industriyang Pilipino, an gating agrikultura para dito na lang tayo magpapalitan ng salapit.”

Sa datos ng Bankers Association of the Philippines (BAP), nagsara ang palitan noong Lunes sa P52.47 per dollar mula sa P52.29 noong Biyernes.

Ito na ang pinakamatamlay na halaga ng piso mula noong August 15, 2019.

Facebook Comments