Presyo ng mga gulay at sibuyas, inaasahang babalik na sa normal ayon sa DA

Inaasahan na ng Department of Agriculture (DA) na magiging matatag na muli ang presyo ng mga gulay sa bansa.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel De Mesa na karaniwan kapag natapos na ang panahon ng tag ulan, nagiging maayos na ulit ang suplay kaya gumaganda na rin ang presyo ng mga gulay.

Habang sa usapin naman ng presyo ng sibuyas ayon kay De Mesa ,natuto na sila sa nangyaring pagtaas ng presyo nito noong isang taon dahil na rin sa kagagawan ng mga tiwaling negosyante na nagmanipula sa presyo.


Dahil dito, nagpapatupad na aniya sila ng mga hakbang para makita ang antas ng produksyon para hindi na mauwi pa sa sobrang taas ng presyo sa mga palengke o pakialaman ng price manipulators.

Samantala, sa presyo naman ng noche buena products, sinabi ni De Mesa na tuloy tuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang mga ahensiya upang ayusin ang sitwasyon ng suplay.

Kapag naayos na aniya nila ito ay maglalabas sila ng official joint statement.

Facebook Comments