Presyo ng mga pangunahing bilihin, ‘di naman ramdam kahit bumaba na sa 0.9% ang inflation rate – Makabayan

Iginiit ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na hindi lang pagbaba sa inflation rate ang gustong marinig ng publiko.

Ito ang reaksyon ng kongresista kasunod ng balitang bumaba pa sa 0.9% ang inflation rate sa bansa bunsod na rin ng pagbaba ng presyo ng bigas sa ilalim ng Rice Tariffication Law.

Ayon kay Zarate, mas gustong maramdaman ng mga maralitang Pilipino ang pagbaba ng presyo ng mga bilihin at serbisyo at hindi lamang ang ulat na bumaba ang inflation rate.


Sa katunayan aniya ay wala namang pagbaba sa presyo ng mga basic commodities and services dahil nananatili pa rin kung ano ang presyo ng mga bilihin noong mga nakaraang buwan.

Kahit pa patuloy na bumaba ang inflation sa 0%, ang presyo ng mga produkto at serbisyo ay mataas pa rin simula pa noong nasa 6.7% ang inflation rate sa bansa noong 2018.

Dagdag pa ni Zarate, hindi rin dapat ipagmalaki ng gobyerno ang 0.9% inflation rate dahil malaki ang kinakaharap na problema ng mga consumers tulad ng lumalalang krisis sa kalusugan, ang paglaganap ng African Swine Fever (ASF), pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, langis at singil sa tubig gayundin ang paglubog ng kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.

Facebook Comments