Magtutuloy-tuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa kabila ng pagbagal ng inflation rate nitong Hunyo.
Sa datos ng Philippine Statistic Authority (PSA) – naitala ang 2.7 percent na inflation rate nitong Hunyo na mas mababa kumpara sa 3.2 percent na naitala noong Mayo.
Ang pagbaba ng inflation ay resulta raw ng pagpapatupad ng rice tariffication law.
Pero ayon kay Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa – nakabuhos lang naman ang effort ng gobyerno sa bigas pero tuloy naman sa pagmahal ang ibang bilihin.
Dagdag ni Africa – dapat ding tingnan ng gobyerno ang kabuuang impact ng batas.
Maaari kasi aniyang magresulta ng pagkalugi ng mga local rice farmer ang pagdagsa ng mga imported rice sa bansa.
Giit pa nito, sa halip na maglaan ng pondo sa sektor ng agrikultura para mapababa ang presyo ng pagkain tinapyasan pa ang pondo ng Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA).
Samantala, posible ring makaambag sa pagtaas ng presyo ng imported na bigas ang patuloy na paghina ng piso kontra dolyar.