Tumaas na ang presyo ng ilang produktong pang-Noche Buena.
Sa isinagawang special price and supply monitoring ng Department of Trade and Industry (DTI) sa tatlong supermarket sa Malabon ngayong araw, napansin ang pagtaas ng ilang Noche Buena items ng P5 hanggang P56.
Kabilang dito ang gatas at all-purpose cream na nagmahal ng P8 to P15.
Anim hanggang 15 piso naman ang itinaas sa presyo ng keso; P5 to P8 sa pasta; P25 to P56 ang mayonnaise at P25 to P45 ang ham.
Dahil dito, pinayuhan ni DTI Usec. Ruth Castelo ang publiko na maging wais at ngayon pa lamang ay mag-utay na sa pamimili.
Sa Oktubre kasi posibleng magmahal pang lalo ang mga Noche Buena items.
Ayon kay Castelo, nasa 20 brand pa ng mga pang-Noche Buena ang humirit ng taas-presyo sa DTI.
Paliwanag niya, hindi pwedeng isama sa listahan ng Suggested Retail Price (SRP) ang mga Noche Buena items dahil seasonal ang mga ito.