Presyo ng petrolyo, muling magtataas ngayong araw

Sa ika-apat na sunod na linggo magpapatupad ng dagdag presyo sa produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis ngayong araw.

Nasa P0.55 kada litro ng diesel habang P0.20 sa kada litro ng gasolina ang dagdag ng Petro Gazz, Shell, Eastern Petroleum, PTT Philippines, UniOil, Phoenix Petroleum, Caltex, Jetti Petroleum, SeaOil at Total.

Tataasan din ng Shell, SeaOil at Caltex ng P0.40 ang kada litro ng kanilang kerosene.


Ipatutupad ng mga kompanya ang mga bagong presyo simula alas-6 ng umaga maliban sa Caltex na nagsimula alas-12:01 ng hatinggabi.

Ayon kay Department of Energy Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, ito ay bunsod ng galaw ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Sabi ni Romero, nasa 20 percent pa lang ng kabuuang 8,630 na mga gasolinahan ang nagpatupad na ng excise tax.

Sa taya ng DOE, sa susunod na buwan pa maipapatupad ng lahat ng gasolinahan sa bansa ang dagdag na P2.24 excise tax.

Facebook Comments