Pumalo na agad sa mahigit 100 dolyar kada bariles ang presyuhan ng langis sa world market.
Ito ay dahil na rin sa epekto ng pag-atake ng Russia sa Ukraine.
Sa unang pagkakataon mula 2014, ang Brent Crude ay tumaas sa 102 dollars kada bariles.
Ayon kay Department of Energy Undersecretary Gerardo Erguiza Jr., base sa projection ng mga analyst, posibleng tumaas sa mga susunod na linggo ang presyo ng gasolina na mula sa kasalukuyang average na P68 per liter ay aabot ng hanggang P77.
Ang diesel na nasa P59 per liter ngayon ay maariang sumipa ng hanggang P73.
Kaugnay nito, nagbabala naman ang ekonomistang si Prof. Emmanuel Leyco na magiging mas magulo ang sitwasyon ng ekonomiya ng bansa kapag lumagpas na sa 120 dollar per barrel ang presyuhan ng langis sa world market.
Kapag kasi nagmahal ang presyo ng mga produktong petrolyo, kabuntot na nito ang pagmahal din ng presyo ng napakaraming bilihin.