Presyo ng sibuyas, bahagyang tumaas

Aminado ang mga nagtitinda sa palengke na bahagyang tumaas ang presyo ng sibuyas pero normal pa naman ang bentahan nito sa Agora Market sa San Juan City.

Ayon sa mga vendor, nitong buwan ng Abril at Mayo gumalaw ang presyo ng sibuyas dahil sa pagkaubos ng mga imported na sibuyas.

Gayunman, hindi naman sila nababahala dahil marami pa silang nakukuhang sibuyas sa kanilang mga supplier.


Sa ngayon, ₱160 hanggang ₱170 ang bentahan ng sibuyas sa Agora Market.

Paliwanag ng mga nagtitinda, masyado pang maaga kung agad na mag-aangkat ng sibuyas.

Una na kasing sinabi ng Bureau of Plant Industry na inaasahan nilang mananatiling matatag ang presyuhan ng sibuyas hanggang Nobyembre ngayong taon.

Napag-alaman na sa imbentaryo hanggang April 20, mayroon umanong 10,843 metriko tonelada ng puting sibuyas at 98,393 metriko tonelada ang pulang sibuyas na tatagal hanggang Nobyembre.

Pero sa kabila nito, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na karamihan kasi sa mga inani ng mga magsasaka ay naibenta na at kailangan na ng dagdag na supply.

Facebook Comments