Iginiit ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na hindi dapat lalagpas sa P120 ang kilo ng sibuyas sa merkado.
Katwiran ni Romualdez, mura ang kuha ng mga traders sa mga onion growers natin at mura din ang bili ng mga importers ng sibuyas sa labas ng bansa.
Sabi ni Romualdez, ang wholesale o puhunan ng mga traders sa sibuyas ay P90 kada kilo kasama na ang transport cost at kita nila kaya hindi ito dapat tumaas ng higit sa P120 per kilo pagdating sa palengke.
Naniniwala si Romualdez na may nagtatago na naman ng stock ng sibuyas kaya naglalaro ang presyo nito ngayon sa P160 hanggang P190 ang kilo sa merkado.
Mensahe ni Romualdez sa mga hoarders, huwag ng hintayin na pasukin pa ng mga awtoridad ang mga bodega o cold storage nila at kasuhan sila ng economic sabotage.
Kasabay nito ay pinagsabihan din ni Romualdez ang Department of Agriculture at Department of Trade and Industry na gampanang mabuti ang kanilang trabaho kasama ang pagbabatay sa presyo ng mga produkto.