
Patuloy ang pagtaas ng presyo ng siling labuyo na pumalo na sa ₱800 kada kilo, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ito na ang pinakamataas na presyo ngayong taon, mula sa dating ₱550 kada kilo nito lamang August 15.
Sinabi ni Agriculture Asec. Arnel de Mesa na normal na tumaas ang presyo dahil sa seasonality ng sili.
Ani De Mesa, mahina ang sili sa ulan at madaling mabulok kapag nababasa ang lupa.
Dahil dito, isusulong ng DA ang paggamit ng greenhouse technology at off-season planting bilang solusyon.
Bukod dito, pinag-aaralan din ang posibilidad ng pagbebenta ng sili sa mga Kadiwa centers at posibleng pagkuha ng suplay mula sa ibang rehiyon gaya ng Mindanao at Visayas kung saan hindi gaanong inuulan.
Dagdag ni Asec. de Mesa, gagamit na rin ng R&D o research and development para mapanatiling matatag ang suplay ng sili sa kabila ng pabago-bagong panahon.









