Inamin ni Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III na nakuha lamang sa international news sa Internet ang presyo ng Sinovac na ibinigay nila sa budget hearing ng Senado noong nakaraang Nobyembre.
Sa pagdinig ng Senado nitong Biyernes kaugnay sa plano ng pamahalaan sa pagbili at pagbabakuna ng COVID-19 vaccines, iginiit ni Senador Panfilo Lacson na galing sa DOH ang presyo ng mga bakuna kabilang ang Sinovac na tinatayang nagkakahalaga ng P3,629 para sa dalawang dosage.
Dahil dito, lumitaw na pangalawa ang Sinovac sa mga bakuna na may pinakamahal na presyo.
Ngunit itinanggi naman kinalaunan ng pamahalaan ang naturang presyo ng Sinovac na lumabas.
Sa halip, nilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque na nagkakahalaga lamang ang Sinovac sa P650 kada dose.
Ipinaliwanag naman ni Lacson na dapat maging maingat ang DOH sa pagbibigay ng mahalagang impormasyon sa Senado, at suriin kung tama ang nabasa sa balita.
Matatandaang nitong nakaraang pagdinig, ipinaliwanag ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na baka maunsiyami ang nasa 148 million doses ng COVID-19 vaccines na kukunin ng Pilipinas kapag isiniwalat nila ang mga presyo ng bakuna na iniaalok sa bansa.
Matapos makausap si Galvez, naniniwala naman sina Lacson at Sotto na hindi talaga maaaring isiwalat ang tunay na presyo ng mga bakuna.