Presyo ng tilapia at sibuyas, bumaba nitong Pebrero ayon sa PSA

Bumaba ang presyo ng ilang agricultural commodities nitong ikalawang bahagi ng Pebrero.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), kabilang sa nagkaroon ng pagbaba sa presyo ay ang tilapia, talong, pulang sibuyas, at pulang asukal.

Batay sa datos ng PSA, umabot sa ₱167.62 ang average retail price ng kada kilo ng tilapia nitong ikalawang bahagi ng Pebrero.


Ito ay mas mababa kumpara sa ₱169.02 per kilo na bentahan noong unang quarter ng Pebrero at ₱168.52 kada kilo noong Enero.

Nasa halos ₱5 naman ang ibinaba ng presyo ng talong, na nitong huling bahagi ng Pebrero ay naglalaro na lang sa ₱86.18 mula sa ₱90-91 na retail price nito noong Enero.

Malaki naman ang ibinawas sa presyo ng pulang sibuyas.

Mula sa ₱188.32 kada kilo na bentahan nito noong ikalawang bahagi ng Enero, bumaba na ito sa ₱163.11 kada kilo noong nakaraang buwan.

Maging ang asukal ay nasa ₱76.52 na lang ang kada kilo nitong huling bahagi ng Pebrero mula sa ₱78.10 kada kilo noong Enero.

Samantala, tumaas naman ang presyo ng regular milled rice, liempo, at calamansi nitong ikalawang bahagi ng Pebrero.

Facebook Comments