Presyo ng trigo, nagmumura na; hirit na taas-presyo sa tinapay, pag-aaralang mabuti ng DTI

Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na pag-aaralan nilang mabuti ang mga hiling na taas-presyo sa tinapay.

Matatandaang sinabi ng ilang grupo ng magtitinapay na hihiling sila ng ₱4 taas-presyo sa Pinoy Pandesal at Pinoy Tasty kasunod ng inilabas na bagong suggested retail price ng DTI at ng patuloy na pagtaas ng presyo ng asukal.

Ayon kay DTI Asec. Ann Claire Cabochan, sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na panibagong request para sa taas-presyo mula sa mga baker.


Pero aniya, mula Mayo ay bumababa na ang presyo ng trigo na ginagawang harina na pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay.

Isa ito sa pagbabasehan ng ahensya sa pagdedesisyon sa hirit na taas-presyo sa tinapay.

Biyernes, August 12 nang ilabas ng DTI ang bagong SRP sa 218 brands ng canned goods, sabon, tinapay, kape at condiments.

Samantala, nagsagawa ngayong araw ng inspeksyon ang DTI sa ilang supermarket sa Caloocan sa gitna ng tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin gayundin sa mga school supplies para sa nalalapit na pasukan.

Facebook Comments