
Mahigpit na pinamomonitor ni Senate Committee on Public Services Chairman Raffy Tulfo sa Department of Transportation (DOTr) ang presyuhan ng krudo sa Dubai.
Ang hirit ng senador ay sa kabila ng ceasefire at paghupa ng tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Ayon kay Tulfo, dapat na bantayang maigi ng DOTR ang average price ng Dubai crude oil upang matiyak na ang fuel subisidy para sa mga PUV drivers at riders ay agad na maibibigay kapag umabot sa 80 US dollars ang presyo ng kada barrel ng krudo sa pandaigdigang pamilihan.
Nakipag-ugnayan din si Tulfo sa DOTr at Department of Energy (DOE) para alamin ang kanilang plano lalo na’t walang katiyakan kung kailan magkakaroon ng oil price rollback.
Hinimok din ni Tulfo ang dalawang ahensya na maglatag ng iba pang mga paraan para mapalawak ang tulong na maaaring ibigay sa mga PUV drivers at riders lalo na’t pinaka-apektado sila ng bigat ng pagtaas sa presyo ng langis at mga produktong petrolyo.
Umapela rin ang mambabatas sa mga malalaking kumpanya ng langis na bigyan ng fuel discounts ang mga PUV drivers habang wala pang rollback na ipinapatupad.









