Nagmahal na ang bentahan ng shabu mula sa dating P1,200 per gram naging P3,500 per gram na sa Metro Manila.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Director General Aaron Aquino Aquino, ang pagsipa sa street value ng shabu ay resulta ng bumababang suplay nito bunsod ng pinaigting na pagbabantay sa pagpupuslit ng mga illegal na kontrabando.
Sa tantiya ni Aquino, ubos na ang 1.6 tons ng shabu na naipuslit noon gamit ang mga magnetic lifters.
Maliit pa aniya ang P3,500 per gram dahil nag-a-average pa sa P6,800 per gram ang bentahan sa ibang lugar.
Pinakamahal pa rin ang bentahan sa Davao City na naglalaro mula P11,000 hanggang P15,000 per gram.
Ginawa ni Aquino ang anunsyo matapos na magkasundo ang PDEA at Bureau of Custom (BOC) na mas palakasin pa ang kanilang partnership sa pagpigil ng pagpasok ng illegal drugs at controlled precursors and essential chemicals sa bansa.