Manila, Philippines – Ibinida ng Department of Labor and Employment o DOLE na naisaayos ng ahensiya ang P29.9 milyon halaga ng benepisyo para sa may 1,133 manggagawa sa pamamagitan ng programa nitong preventive mediation.
Base sa ulat, nagtala ang National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ng 86 porsiyentong settlement rate o 177 kasong naisaayos.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III ang NCMB na ang mga kasong naisaayos mula Enero hanggang Mayo 2018 ay naresolba sa loob ng process cycle time na 29 araw.
Ang preventive mediation ay isang mekanismo ng pagreresolba ng di-pagkakaunawaan upang maiwasan ang pagkatigil ng trabaho o pagwewelga.
Sa ilalim ng ganitong pamamaraan, maaaring ilahad ng magkabilang partido ang kani-kanilang posisyon na hindi kinakailangang sumailalim sa legalidad, at mabigyan ng pagkakataon na resolbahin ang kanilang problema upang magkasundo.
Pinapurihan ni Bello ang NCMB dahil sa patuloy nitong pagpapatupad ng preventive mediation upang mapanatili ang kaayusan ng industriya ng bansa.