Kinatigan ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Risa Hontiveros ang ipinataw na preventive suspension ng Office of the Ombudsman kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Hanggang anim na buwan ang ipinataw na suspensyon ng Ombudsman kay Mayor Guo matapos na maghain ng kasong graft ang DILG bunsod ng pagkakasangkot ng alkalde sa ni-raid na POGO sa Tarlac.
Iginiit ni Hontiveros na noon pa dapat napatawan ng suspensyon si Guo dahil may nauna na silang natanggap na impormasyon na sinubukan noong una ng Alkalde na harangin ang imbestigasyon pagkatapos na salakayin ng mga awtoridad ang POGO hub.
Wala aniyang duda na mayroong kinalaman sa POGO si Guo at kahit ilang beses pa aniyang magsinungaling at kahit ilang beses na hindi maalala ay naka-dokumento ang koneksyon niya sa POGO.
Inaabangan ni Hontiveros ang executive session sa susunod na pagsalang muli sa imbestigasyon ni Mayor Guo sa Senado at umaasa siyang mas mabibigyang linaw ang totoong naging papel ng Mayor hindi lang sa POGO kundi maging sa banta ng ating pambansang seguridad.