
Binawi na ng Office of the Ombudsman ang anim na buwang “preventive suspension” laban kay Government Service Insurance System (GSIS) President Jose Arnulfo “Wick” Veloso at apat na iba pang opisyal.
Ito ay sa gitna ng imbestigasyon ₱1.45 billion deal sa Alternergy Holdings Corporation.
Magugunita na sa kautusan na may petsang July 11, 2025, nakitaan ng Ombudsman ng sapat na “grounds” o basehan para isailalim sina Veloso sa anim na buwang preventive suspension nang walang sweldo.
Ito ay dahil sa mabigat na ebidensiya laban sa kanila para sa posibleng grave misconduct, gross neglect of duty at paglabag sa iba pang batas.
Pero para sa “interest of justice at fair play”, nagpasya ang Ombudsman na i-lift o bawiin ang suspensyon, at reinstated sa posisyon.
Bukod kay Veloso, ang iba pang opisyal ay sina: Jason Teng, Mary Abigail Cruz-Francisco, Jaime Leon Warren at Alfredo Pablo.
Habang sina Michael Praxedes at Aaron Samuel Chan, na una na ring pinatawan ng suspensyon, ay hindi na konektado sa GSIS.
Sa isa namang pahayag, sinabi ni Veloso na kanyang nirerespeto ang desisyon at tiniyak na siya ay susunod sa direktiba.









