Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na sa ngayon ay walang pormal na nakalatag na mga issue na tatalakayin nila Pangulong Rodrigo Duterte at Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles sa kanilang pulong mamaya sa Malacañang.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hihintayin lang nila ang magiging resulta ng pulong ng dalawang presidente at napagkasunduan aniya na one on one ang magiging pulong.
Ibinunyag pa ni Roque na hindi na kahit siya ay hindi pinayagan na makasama sa Pulong kasama sina Pangulong Duterte at Archbishop Valles.
Kinumpirma naman ni Roque na naimbitahan siya ni dating Pangulo at Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo sa isang hapunan kasama ang mga Obispo ng simbahang katoliko sa mismong tahanan ng dating Pangulo.
Hindi naman na nagbigay ng detalye pa si Roque sa nasabing pulong pero sinabi nito na maraming obispo ang kasama sa aktibidad at matagal na itong ginagawa ni dating Pangulong Arroyo kahit pa noong ito ay nakaupong Presidente ng Bansa.