Pribadong kompanya, dapat hayaang magpasya para sa kalahati ng COVID-19 vaccine na kanilang bibilhin

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ngayon ng Senado ukol sa vaccination program ng gobyerno ay umapela si Senator Cynthia Villar na hayaan ang mga pribadong kompanya na magpasya para sa kalahati ng mga COVID-19 na kanilang bibilhin para sa kanilang mga empleyado.

Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., 50% o kalahati ng bakuna na bibilhin ng pribadong sektor ay magiging donasyon sa Department of Health (DOH).

Ang natitirang 50% o kalahati pa ng nabanggit na mga bakuna ay ibibigay sa pribadong kompanya na bumili pero hindi nila ito maaaring iturok base sa kanilang kagustuhan.


Paliwanag ni Galvez, kailangang sumunod ang pribadong kompanya sa atas ng World Health Organization (WHO) na dapat prayoridad na mabigyan ng bakuna ang kanilang mga empleyado na maituturing na frontliners at mahihirap na manggagawa.

Pero katwiran ni Senator Villar, sana ay kasama sa maaaring bigyan ng pribadong kompanya ng bakuna, ay hindi lang ang kanilang frontline personnel kundi lahat ng kanilang mga empleyado pati kanilang pamilya kung saan kasama ang mga opisyal ng kanilang kompanya at yan ay para agad makamit ang tinatawag na herd immunity.

Paliwanag naman ni Galvez, pwede itong gawin kapag nabigyan na ang mga frontline personnel.

Inilahad din ni Galvez na base sa proseso, lahat ng bakuna na darating sa bansa pagdating sa airport ay DOH ang tatanggap at susuriin muna itong mabuti bago ibigay ang para sa pribadong sector at ang para sa mga Local Government Units (LGUs).

Tiniyak naman ni Galvez na ang bakunang bibilihin ng mga LGUs ay 100% na mapupunta sa kanila at pakikinabangan ng kanilang mga constituents.

Samantala, sa pagsisimula ng pagdinig ay agad iginiit ni Senator Panfilo “Ping” Lacson at Senator Francis “Kiko” Pangilinan na hindi totoo ang sinabi ni Galvez na may halong pamumulitika ang ginagawang pagdinig ng Senado sa vaccination program ng pamahalaan.

Binigyan diin pa nina Lacson at Pangilinan ang pangangailangan na gampanan ng Kongreso ang parte nito sa check and balance sa gobyerno at ang malaking papel ng lehislatura sa paglaban o pagtugon sa pandemya.

Facebook Comments