Tumataas na ang admissions ng COVID-19 patients sa ilang pribadong ospital sa mga lalawigang malapit sa National Capital Region (NCR).
Ito ang sinabi ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) sa harap ng lumolobong kaso sa bansa.
Bukod sa Metro Manila, sinabi ni PHAPi President Dr. Jose de Grano, dumarami na ang mga pasyente sa ilang private health facilities sa Cagayan Valley, Central Luzon, at CALABARZON.
Sinabi rin ni Dr. De Grano na karamihan sa mga naka-confine ay mild cases pero ang punto aniya ay wala nang espasyo ang mga ospital dahil napupuno na.
Dagdag pa niya, kaya naman ng mga pribadong ospital na itaas ang bed allocation sa COVID-19 patients pero ang hamon ay bilang ng healthcare workers na handang rumesponde.
Ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Greater Manila Area ay makakatulong na mapabagal ang bilang ng COVID-19 cases.