Pribadong sektor, desperado na ring makabili ng COVID-19 vaccines

Agresibo at desperado na ang pribadong sektor na makabili ng bakuna kontra COVID-19.

Ito ay para buhaying muli ang ekonomiya ng bansa matapos pabagsakin ng COVID-19 pandemic.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na walang ibang solusyon para buhaying muli ang ekonomiya kundi ang bakuna.


Gaya ng mga healthcare workers, mahalaga rin aniya na maunang mabakunahan ang mga tinatawag nilang “economic frontliners” dahilan ng pagsali nila sa tripartite agreement para sa pagbili ng COVID-19 vaccine.

Aniya, kung hindi sila bibili ng bakuna at maghihintay na lang sa ibibigay ng gobyerno, tiyak na matatagalan pa bago mabuksan ang ekonomiya.

“Dito lang sa Pilipinas, ‘yong private sector agresibo, gustong tumulong sa government. Kasi kung hindi natin susugpuin itong pandemic na ‘to, hindi tayo uunlad at mahihirapan lahat ng mga tao. ‘Yong maski mag-stimulus package tayo, kung ang economy remains close, e wala rin. So kailangan, buksan natin and the only way to open it is to bring in the vaccines,” saad ni Concepcion.

Sa ilalim ng tripartite agreement, kalahati ng bibilhing bakuna ng mga private company ay gagamitin sa kanilang mga empleyado habang ang kalahati ay ido-donate sa gobyerno.

Bukod dito, tutulong din ang mga pribadong sektor sa pagbabakuna gaya ng pagpapahiram ng kanilang mga pasilidad.

“Sang-ayon lahat ng private sector na talagang tulungan ang government sa pagbili ng mga vaccine at buksan ang economy safely para mabuhay lahat ng maliliit na negosyante,” dagdag pa niya.

Nabatid na aabot sa 17 million doses ng mga bakuna ang binili ng mga pribadong sektor.

Facebook Comments