Price adjustment ng ilang mga produkto, hiniling sa DTI; sapat na suplay ng mga produkto sa mga supermarket, tiniyak ng ahensya!

Kinumpirma ng Department of Trade and Industry (DTI) na nakatanggap na ang ahensya ng mga hiling para sa price adjustment ng ilang mga produkto.

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, gumagawa pa ng review ang Consumer Policy and Advocacy Bureau (CPAB) hinggil sa naturang kahilingan na taas-presyo.

Pagtitiyak din ni Castelo na dadaan sa masusing pag-aaral ito at kung ano man ang magiging rekomendasyon ay isusumite kay DTI Secretary Alfredo Pascual.


Kabilang sa mga may request para sa price adjustment ay mga delatang sardinas, kape, instant noodles at iba pa.

Kasama rin ang tinapay sa kahilingan na taasan ang presyo tulad ng pandesal dahil sa mahal na presyo ng harina lalo’t imported ang wheat o trigo nito.

Dagdag pa ni Castelo, bagama’t may mabigat na dahilan ay kailangan pa rin na pag-aralan ng mabuti ang price adjustment at hintayin ang iba pang mga datos.

Samantala, inihayag din ni Castelo na walang problema sa suplay ng mga produkto sa mga supermarket at patuloy rin aniya ang isinasagawang monitoring ng DTI.

Facebook Comments