Para kay House Minority Leader 4Ps Partylist Representative Marcelino Libanan, dapat na panatilihin muna ang umiiral na price cap sa bigas.
Paliwanag ni Libanan, ito ay para maprotektahan ang mga consumer laban sa “price shocks” at pangkontra din sa iba’t ibang ilegal na aktibidad tulad ng pagpamanipula sa presyo, profiteering at hoarding.
Ayon kay Libanan, kung kinakailangan ay dapat ituloy ng gobyerno ang pagbibigay ng subsidiya, hindi lamang sa maliliit na rice retailers, kundi pati sa rice traders, upang maging mapanatili ang price ceiling sa bigas.
Mensahe ito ni Libanan makaraang ihayag ng Department of Trade and Industry o DTI na planong rebyuhin ng gobyerno ang price cap sa katapusan ng buwan kasabay ng pagsisimula ng anihan at pagdating sa bansa ng mga imported na bigas.
Kaugnay nito ay ibinabala din ni Libanan ang mga potensyal na “foreign state actors” na nananamantala “global surge” ng presyo ng bigas upang pahinain ang Pilipinas at iba pang bansa na umaangkat ng bigas.