Price ceiling sa farmgate at trader’s price ng baboy at manok, pinag-aaralan na rin ng DA

Pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng pagpapataw rin ng price ceiling sa baboy at manok para sa farmgate at traders’ price.

Nabatid na para lamang sa mga retailer at public markets ang price cap na unang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes.

Sinumang lalabag ay pagmumultahin ng P5,000 hanggang P1-milyon at makukulong ng hanggang sampung taon.


Samantala, ayon kay DA Spokesperson Noel Reyes, inihahanda na rin ng ahensya ang mga aksyong legal laban sa mga trader at wholesaler na umano’y nagmamanipula sa presyo ng baboy sa gitna ng problema sa African Swine Fever (ASF), bagay na itinanggi naman ng mga pork producer.

“’Yong farmgate price naman po kasi, iba-iba po iyan kung saang lugar e. Mataas po ‘yan sa Central Luzon, mababa sa Ilocos, sa Western Visayas at mas lalong mababa sa Mindanao. So, alam po nila ‘yan, ang nagpataas po talaga mga trader, mababa naman po sa farmgate price,” ani Reyes sa panayam ng RMN Manila.

“Kasi ang presyuhan na P270 to P300, ‘yan po ang kalakaran bago mag-Pasko e, may ASF na rin no’n e. Pebrero na, tapos na ‘yong January, naiwan sa taas ‘yong presyo. So, anong ibig sabihin, ang laki ng kita ng mga trader,” dagdag pa ng opisyal.

Plano naman ng mga poultry at hog raiser na magpadala ng sulat kay Pangulong Duterte para iapela ang ipatutupad na price ceiling.

Facebook Comments