Wala pang pangangailangan na magpatupad ng price ceiling sa kabila ng posibleng epekto sa presyo ng mga bilihin ng nangyayaring gulo sa Russia at Ukraine.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Usec. Ruth Castelo, sapat pa naman ang suplay ng mga manufactured food products sa bansa kaya malabong magkaroon ng taas-presyo sa mga bilihin.
Katunayan, sapat pa aniya ang supply ng bansa hanggang sa susunod na tatlong buwan kaya wala ring dahilan para mag-panic buying.
Una nang sinabi ng DTI na hindi pa ramdam sa mga pangunahing bilihin na sakop ng kanilang SRP bulletin ang epekto ng Russia-Ukriane war.
Tiniyak din ni Castelo na mahigpit nilang inaalalayan at binabantayan ang supply ng mga bilihin para masigurong hindi magkakaroon ng profiteering at hoarding.