Price ceiling sa presyo ng karne ng baboy sa Metro Manila, pinapabawi ni Senator Hontiveros

Umapela si Senador Risa Hontiveros sa Malacañang na bawiin ang ipinapatupad na price ceiling sa presyo ng karne ng baboy at manok na lalong nagpapalala sa kalagayan ng hog raisers at manininda.

Sinabi rin ni Hontiveros na bagaman mabuti ang hangarin ng itinakdang 60-day price ceiling sa mga karneng baboy at manok sa Metro Manila ay naging halos imposible naman para sa mga vendors na makabawi mula sa ‘twindemic’ ng COVID-19 at African Swine Fever.

Diin ni Hontiveros, dumadaing ang mga nagtitinda at producers sa price control dahil hindi sila makabawi ng puhunan habang kulang na kulang pa rin ang tulong na suplay ng murang baboy na inaangkat ng Department of Agriculture mula North Cotabato.


Kaugnay nito ay hinimok ni Hontiveros ang DA na pag-igtingin ang laban kontra sa paglaganap ng ASF na siyang pangunahing dahilan kung bakit nananatiling mataas ang presyo ng baboy sa bansa.

Giit ni Hontiveros, ASF ang puno’t dulo ng problema, kaya ASF dapat ang solusyunan.

Paliwanag ni Hontiveros, ang muling pagkakaroon ng sapat na suplay ng karneng baboy ay nakabatay sa kumpiyansa ng mga namumuhunan na ang mga kaso ng ASF ay nababawasan, kontrolado at mababayaran.

Facebook Comments