
Magpapatupad ng price freeze ang oil company na Petron para sa gasolina at diesel sa pitong lalawigang sinalanta ng Super Typhoon “Uwan.”
Sa inilabas na abiso ng naturang kumpanya epektibo ito ngayong linggo sa Isabela, Cagayan, Albay, Nueva Vizcaya, Camarines Sur, Camarines Norte, and Sorsogon.
Nag-anunsyo rin ang Jetti Petroleum na hindi apektado ng taas-presyo ang Pangasinan, Nueva Ecija, Bicol Region, Panay Provinces, Negros Occidental, at Cebu.
Nangangahulugan ito na hindi muna tataas ng ₱0.50 ang kada litro ng gasolina at piso sa kada litro ng diesel sa mga nabanggit na lugar.
Una nang ipinaalala ng Department of Energy (DOE) ang pag-iral ng nationwide price freeze sa 11 kilogram na household LPG at ng kerosene sa ilalim ng Price Act na epektibo mula Nov. 7 hanggang 21 kasunod ng deklarasyon na national state of calamity ng pangulong dahil sa epekto ng Bagyong Tino, alinsunod sa Proclamation No. 1077.









