Nagpatupad na ng price freeze ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Zambales sa mga basic necessities matapos ang pananalasa ng Bagyong Karding.
Ayon sa DTI-Zambales, maraming bayan sa lalawigan ang sinalanta ng nasabing bagyo, kung saan partikular ang bayan ng Cabangan ang pinakahinagupit ng Bagyong Karding.
Base sa nilagdaang Sangguniang Bayan (SB) Resolution No. 2022-88 series of 2022, opisyal na idineklara ang state of calamity sa naturang bayan na tatagal hanggang sa October 28.
Kasunod nito, nagpaalala ang DTI sa mga mamimili at retailers na may automatic price control ang mga pangunahing bilihin sa lugar na dineklarang disaster area na batay na rin sa Section 6 ng Republic Act 7581 o Price Act.
Matatandaang, napuruhan ng Bagyong Karding ang Regions 1, 2, 3, 5, CALABARZON, MIMAROPA at Cordillera Administrative Region (CAR), kung saan nag-iwan ito ng 12 na nasawi.