Hindi pa irerekumenda ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpapatupad ng price freeze sa presyo ng mga face mask sa merkado.
Paliwanag ni DTI Secretary Mon Lopez ipinauubaya na nila sa Pangulong Duterte kung mag-uutos ito ng price freeze o price control.
Pero noon pa man aniyang pumutok ang Bulkang Taal ang DOH ay isinama na ang face mask sa mga produkto na dapat magkaroon ng regulasyon sa presyo lalo na sa n95 na hindi dapat lumagpas sa 100 pesos ang kada piraso.
Ang mga surgical mask na dating nasa 50 hanggang 60 pesos lang kada isang box ay nasa 90 hanggang 185 pesos na ngayon.
Tiniyak rin ni Lopez na nag i-ikot ang kanilang price monitoring team lalo na sa Maynila para matiyak na hindi mananamantala ang mga negosyante.
Kasabay nito, umapela ang kalihim sa publiko na huwag bumili ng sobra sobra para hindi magkaron ng kakapusan sa supply ng mga face mask.
Sa ngayon kasi ay temporary shortage ang nangyayari dahil nagpapanic ang publiko.
Pero sa mga darating na araw tiyak na magkakaroon ulit ng mga bagong supply lalo na at mayroon rin namang mga manufacturer ng surgical mask sa bansa.