Umapela si Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong sa pamahalaan na magsagawa muna ng konsultasyon kaugnay sa isinusulong ng Department of Agriculture (DA) na price freeze sa mga produktong baboy at manok.
Ayon kay Ong, dapat lamang muna na sumailalim ang pamahalaan sa konsultasyon sa iba’t ibang grupo tulad ng mga magsasaka, magbababoy at magmamanok bago ipatupad ang price freeze sa mga produkto.
Paalala ni Ong, ang sektor ng agrikultura lalo na sa mga probinsya ay matinding tinamaan ng epekto ng COVID-19 pandemic bukod pa sa pananalasa ng mga nagdaang bagyo .
Mainam aniyang pakinggan muna ng gobyerno ang sentimyento ng mga lokal na magsasaka, at pagkatapos ng malalimang pag-aaral ay saka magdesisyon sa mga magiging hakbang.
Sa kasalukuyan, nasa halos ₱400 na ang presyo ng kada kilo ng baboy habang ₱190 hanggang ₱200 ang kada kilo ng manok.