Nagkukumahog ngayon ang Palasyo ng Malacañang para mapababa ang nagtataasang presyo ng pangunahing bilihin sa bansa lalo na ng pagkain.
Naglabas kasi ang Malacañang ng sunod-sunod na kautusan na nag-uutos sa mga tanggapan ng pamahalaan na gumawa ng mga hakbang para mas maging mabilis ang pagbaba ng presyo ng pagkain sa merkado.
Sabay-sabay kasing inilabas ng Malacañang ang Administrative Order number 13 na nag-uutos sa mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan na pabilisin at padaliin ang pagpoproseso ng importasyon ng mga agricultural products tulad ng bigas ang mga fishery products.
Kasabay nito ay inilabas din ng Malacañang ang Memorandum Order number 26 na nag-uutos sa Department of Agriculture (DA) at sa Department of Trade and Industry (DTI) na magpatupad ng mga hakbang para mapaliit ang presyo ng agricultural products mula sa farm gate price patungo sa retail price ng mga ito.
Inilabas din naman ng Malacañang ang Memorandum Order number 27 na nag-uutos sa DA, Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at Metro Manila Development Authority (MMDA) na tiyakin na hindi magkakaroon ng delay sa delivery ng mga agricultural products mula sa mga producers hanggang sa merkado.
Huling kautusan na inilabas ng Malacañang ngayon ay ang Memorandum Order number 28 na nag-uutos sa National Food Authority (NFA) na agarang ilabas ang lahat ng kanilang NFA Rice sa Merkado na nakatago sa kanilang mga warehouse.