Inilunsad na ngayong araw ng Department of Agriculture (DA), DTI at National Food Authority (NFA) ang Suggested Retail Price (SRP) sa bigas sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Kasama ni DA Secretary Manny Piñol sina NFA OIC Administrator Tomas Escarez at DTI Secretary Ramon Lopez.
Una nilang tinungo at ipinatupad ang SRP sa bigas sa Commonwealth Market sa Quezon City at susunod na sa iba pang pamilihan.
Base sa napagkasunduan, ang SRP sa mga locally produced rice ay ang mga sumusunod, P39/kilo para sa regular milled rice, P44/kilo sa well-milled at P47/kilo sa premium long grain.
May ipinataw din na SRP sa mga imported rice: P39/kilo para imported well-milled rice, P43/kilo sa imported premium rice PG1 (bigas mula sa Thailand at Vietnam) at P40/kilo sa imported premium rice PG2 (bigas mula sa China at Pakistan).
Ginawa na ring standard ang label ng mga bigas at inalis na ang mga pangalan tulad ng “Mindoro Dinorado”, “Senandomeng”, “Double Diamond” at “Yummy Rice.”
Napagkasunduan din ng council na huwag patawan ng SRP sa mga special rice, tulad ng dinorado, jasmine, milagrosa, jasponica, doña maria, organic rice (brown, red, and black), heirloom rice mula sa Cordillera Hinumay, Malido mula sa Iloilo, Kamoros mula sa Mindoro at Malagkit.
Una dito inaprobahan ng National Food Authority (NFA) Council ang guidelines para sa Suggested Retail Price (SRP) na ipapatupad sa imported and locally produced rice na ibenebenta sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Inaprobahan ito isang araw pagkatapos ang konsultasyon sa mga stakeholders.