‘Prioritization program’ ng gobyerno, masisira kung hindi dadaan ang mga LGU sa tripartite deal sa pagbili ng COVID-19 vaccines

Binigyang-diin ng Department of Health (DOH) ang kahalagahan na magkaroon ng tripartite agreement sa pagbili ng bakuna ng mga pribadong kompanya at mga local government unit (LGU).

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, layon ng kasunduan na maiwasang magkagulo dahil sa pagkakanya-kanya ng mga LGU.

Aniya, kung hahayaan na direktang makabili ng bakuna ang mga pribadong kompanya at LGUs sa mga manufacturer, masisira nito ang prioritization program ng gobyerno sa pagbabakuna.


“Kung hahayaan nating free for all, mag-uunahan, mawawala yung prioritization natin kasi nagkakanya-kanya na ng diskarte e hindi naman maganda yun dahil nagtatalo nga yung mga taong dapat talagang mabigyan ng prayoridad,” ani Duque sa interview ng RMN Manila.

“Magtiwala naman tayo sa ating regulatory authority. Para ano pa na sila e nilikha sa ilalim ng batas kung sa bandang huli e babalewalain natin,” dagdag pa ng kalihim.

Ayon pa kay Duque, hindi maaaring magdesisyon ang mga LGU sa kung anong bakuna ang nais nilang iturok sa kanilang mga residente dahil mismong ang mga tao ang kailangang pumirma ng konsento.

“Kung hindi magbibigay ng consent yung mamamayan, hindi mo pwedeng pilitin. So diskarte na ng LGU yun kung sasabihin niya sa mga mamamayan niya na huwag kayong pumirma e sila na ang mananagot kung may mangyari doon sa kanilang constituents. Halimbawa, nagkasakit at namatay, sila ang sasagot. Kasi meron nang bakuna e, bakit hindi mo pinabakunahan?” giit ni Duque.

Paliwanag naman ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo, kailangang makipag-ugnayan ng mga LGU sa DOH dahil ‘product under development’ pa ang mga bagong bakuna at hindi pa ito fully registered product at commercially available.

“Ang requirement lamang po ng FDA ay kung bibili ang LGU kailangan mag-coordinate sa DOH. Kasi kailangan alam natin kung anong bakuna ang bibilhin nila, ilan ang bibilhin nila, kung sino na yung na-injection-nan nila tsaka required din silang mag-monitor nung mga binakunahan katulad ng mga binabakunahan ng national government kasi very strict po ang monitoring natin dito sa mga new vaccine,” paliwanag ni Domingo.

Samantala, ayon kay Duque, handa siyang magpaturok ng Sinovac oras na maaprubahan ito ng vaccine expert panel.

“Of course! Kapag sinabi ng vaccine expert panel na good siya at binigyan ng Emergency Use Authorization ng FDA magpapabakuna tayo, yun nga lang mamaya kapag nagpabakuna ako sabihin VIP,” saad pa ni Duque.

Facebook Comments