Prioritization sa vaccination, ipinaayos ng isang kongresista sa gobyerno

Ipinaaayos ni dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin sa gobyerno ang prayoridad sa pamamahagi ng bakuna sa bansa.

Giit ng kongresista, hindi dapat ibinabatay sa surge o taas ng kaso at bilang ng mga namatay dahil sa COVID-19 ang pagpili sa lugar na uunahing mabigyan at hindi ng COVID-19 vaccines.

Paalala ni Garin na marapat lamang na sundin ang vaccine prioritization list.


Nakababahala aniya na 32.3% pa rin ng mga healthcare workers o kabilang sa A1 category ang hindi pa fully vaccinated habang sa 9 na milyong senior citizens sa bansa, 6.8 milyon pa lamang dito ang nakakumpleto na ng bakuna.

Tinukoy pa ng kinatawan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa mga lalawigan na patuloy na naghihintay ng second dose ng kanilang bakuna.

Katunayan aniya, sa kanyang lalawigan sa Iloilo ay mayroong 1,000 OFWs ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang ikalawang dose ng bakuna dahil wala pang alokasyon para dito.

Kasabay nito ay muling binigyang diin ni Garin na sabayan ng agresibong testing ang vaccination program sa bansa.

Facebook Comments