Pinare-review ni Senator Christopher “Bong” Go sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang prioritization strategy ng Department of Public Works and Highways (DPWH) pagdating sa mga Flood Control Program ng pamahalaan.
Ito ang suhestyon ng senador sa gitna na rin ng nakatakdang imbestigasyon ng Senado sa susunod na linggo tungkol sa nararanasang matinding pagbaha sa bansa kung saan kasama sa ipapatawag ang DPWH at ang iba pang kaukulang ahenya ng gobyerno.
Nais ni Go na i-review kung ano ang mga naging prayoridad na lugar ng DPWH sa pagkakaroon ng flood control program lalo’t sa kabila ng proyekto ay matindi pa rin ang pagbaha sa maraming lugar.
Giit ng senador, dapat malaman kung saan pinaglalagay ng DPWH ang kanilang flood control projects pati na ang declogging o paglilinis ng mga canal.
Hinimok din ng senador ang DPWH na linawin sa publiko ang kanilang estratehiya upang matiyak na walang pondo ng taumbayan ang nasasayang.
Sang-ayon din ang senador sa isinusulong na ‘master plan’ para sa flood control management upang mailatag ng maayos ang proyekto at hindi na magpaulit-ulit ang problema sa pagbaha sa mga syudad at lalawigan.