Inilatag na ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang ilan sa mga magiging prayoridad na agenda ng Senado para sa susunod na taon.
Ayon kay Zubiri, kabilang na dito ang pagtalakay sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), condonation ng mga unpaid amortization at interes sa loans ng mga agrarian reform beneficiaries, at pag-amyenda sa fixed term sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Dagdag pa rito ang ilang mga health bills tulad ng Medical Reserve Corps Bill, panukalang pagtatatag ng Center for Disease Prevention and Control at ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines.
Sinabi rin ng Senate president na inaasahan nilang matalakay ang Maharlika Investment Fund Bill sa lalong madaling panahon pero hindi bilang isang priority measure, kundi bilang isang panukala para sa masusing diskusyon at maingat na konsiderasyon.
Aniya, sa tulong ng pagtukoy sa mga priority legislation at naitatag nang sistema sa mga committee at plenary proceedings, handa na aniya ang Senado na paigtingin pa ang kanilang koordinasyon at magtrabaho pa ng husto para matugunan ang pangangailangan ng sambayanang Pilipino.